Paano niya nakayanan ang ganitong kalungkutan?

Posted by: ArTanGeL  /  Category: Poems & Stories

Paano niya nakayanan ang ganitong kalungkutan?

by: ArTanGeL

Noong nasa Pinas pa lamang ako, pangarap ko na makapagtrabaho dito sa Saudi. Gusto ko tularan ang aking ama na halos dalawampu’t limang taon ding naging alipin sa bansang ito. Mahabang panahon ang kanyang tiniis para mapag-aral at mabuhay kami ng maayos. Dugo’t pawis ang dapat tumulo upang makakain kami ng tamang oras. Puyat at lungkot ang tiniis para maibigay ang aming pangangailangan at makapagtapos sa aming pag-aaral. At dahil doon, sinabi ko sa aking sarili na dapat ako naman.

Una, iniisip ko pa lamang noon kung ano ang magiging trabaho ko kung sakaling mapunta nga ako ng Saudi. Tunay nga bang uunlad ako kung sakaling nandoon na ako?

Sa kagustuhang makatulong sa aking pamilya at makapag-ipon ng sariling pera, natuloy nga din ako. Alam ko mahirap talaga ang buhay sa malayo lalo na kung nasanay ka sa kinagisnan mo nang buhay sa ating bansa, pero kailangan din nating magtiis upang matupad natin ang ating mga munting pangarap.

Naaalala ko pa noon, naka-ilang beses na din akong mag-apply sa mga ahensya sa ating bansa. Nasubukan ko nang aplayan ang pagiging data encoder, waiter, at marami pang iba, pero hindi ko akalaing maliit din pala ang sahod ng ganoong trabaho kaya naman hindi ako nagtuloy. Mas malaki pa ang kinikita ko sa sasahurin ko kung sakali. Sinubukan ko ding mag-apply ayon sa aking tinapos ngunit kulang naman daw ako sa experience. At ngayon, nandito na nga ako pero parang pakiramdam ko hindi ako masaya. Alam ko hindi kalakihan ang sahod dito kumpara noong nasa Pinas pa ako pero kahit papaano nakakapag-ipon din ako.

Unang apak ko pa lamang dito, bitbit ko na sina “kaba” at “takot” sa kadahilanang iniisip ko na baka hindi ko magampanan kung ano man ang trabaho at buhay na naghihintay sa akin. Pinilit kong iwan si “lungkot” pero hindi ko napansing naisingit ko pala sa aking bagahe. Si “lungkot” na laging tumatabi sa aking pagtulog at kasama ang ala-alang dala-dala nito. Hindi mo din mapapansing tumutulo na pala ang iyong luha kapag oras na ng tulugan. Ilang baling ang bibilangin upang mahanap mo si “antok”. Si “antok” na kapag minalas malas ka, kasama mo din hanggang sa pagpasok.

Ngayon, isang taon at mahigit na ako at nalalapit na ang aking pag-uwi. Kay bilis nga naman ng panahon pero mas mahirap pa pala ang ganito kaysa sa unang apak mo pa lamang dito. Sa halip na araw na lang ang bibilangin parang taon pa din ang bawat araw na dumadaan. Madami kang pinagdaanan, nalagpasan mo ang galit ng iyong amo pero pakiramdam mo parang hinahatak ka pa din pabalik. Pakiramdam na akala mo’y mas bumabagal pa ang takbo ng orasan mo. Luha na akala mong naubos na pero parang umuusbong ulit at namumuo sa iyong mga mata. Ang pananabik na maaakap mo ulit ang iyong mga mahal sa buhay ang parang nagiging dahilan pa nang iyong kalungkutan.

Dahil dito, doon ko naramdaman ang hirap ng dinanas ng aking ama. Maraming tanong ang pumapasok sa aking isipan at isa na dito ang, “Paano niya nakayanan ang ganitong kalungkutan?” Ganito pala ang pakiramdam, sa pag-aakalang masarap mangibambansa pero mahirap din pala.

Share and Enjoy:
  • Digg
  • del.icio.us
  • Facebook
  • Mixx
  • Google Bookmarks
  • Twitter

3 Responses to “Paano niya nakayanan ang ganitong kalungkutan?”

  1. ahs Says:

    nakz.. ang galing naman ni kamahalan.. naiyak naman ako s kwento mo.. di ko, akalaing kya mo rin palang maging seryoso,hahaha.. bilib n tlaga ako sayo..

  2. ArTanGeL Says:

    naks, naiyak ka ba talaga? hehe! hindi pa kita nakikitang umiyak? hahaha! :P

  3. joy grace Says:

    hi….!!!! nako nakakatawa ka namang mag reply pero inferness nakakalungkot ng pinagdaanan niya parang ako jeeeeeejejejejejejejejje

Leave a Reply